Pare-parehong kahulugan ng mga batas-trapiko at mga multa, isinusulong ng LTO, MMDA at mga LGU

Pinag-aaralan ngayon ng Technical Working Group (TWG) na gawing pare-pareho at mas malinaw ang kahulugan ng mga paglabag sa batas-trapiko at halaga ng mga multang ipapataw rito.

Ito ang inilatag sa idinaos na ikatlong pagpupulong ng TWG na kinabibilangan ng mga opisyal ng Land Transportation Office (LTO), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga kinatawan ng iba’t ibang lokal na pamahalaan sa Kalakhang Maynila.

Partikular na natalakay ay ang pagtutulak na maipatupad ang Metro Manila Single Ticketing System na naghahanay ng mga paglabag sa batas-trapiko at ang mga katapat na parusa o multa nito.


Ilan sa mga paglabag ng motorista na nais na mapagmulta ay disregarding traffic sign, illegal parking (attended at unattended), reckless driving, pagmamaneho na walang lisensya, pagmamaneho na walang rehistro ng sasakyan, overspeeding, illegal counterflow, hindi pagsunod sa number coding at obstruction.

Natalakay rin sa pulong ang mahigpit na pagpapairal ng tricycle ban lalo na sa national highways at kaukulang speed limit ng mga ito gayundin ang truck ban at light truck ban.

Batay pa sa panukala ng MMDA, mahigpit na rin ang pagbabawal sa hindi pagsusuot ng helmet kapwa ng drayber at pasahero ng motorsiklo gayundin ang paggamit ng substandard na helmet.

Sa ngayon ay isinasapinal pa ng mga miyembro ng TWG ang makatwirang halaga ng multa na ipapataw sa mga hindi sumusunod sa batas-trapiko.

Tiniyak naman ni LTO Chief Assistant Secretary “Jay Art” Tugade na daraan sa mga pampublikong konsultasyon ang ilalatag na mga panuntunan para sa Single Ticketing System.

Bagama’t may mga pinagdaraanang pagsubok ang panukalang sistema, ipinahayag ni Tugade ang kumpiyansa na maipatutupad ito sa lalong madaling panahon.

Facebook Comments