
Siniguro ng Quezon City Police District o QCPD na magiging mapayapa at maayos ang ikalawang araw ng kilos-protesta ng iba’t ibang grupo sa EDSA People Power Monument ngayong araw.
Kasunod na rin ito ng mapayapang kilos-protesta na pinangunahan ng United People’s Initiative (UPI) Peaceful Rally for Transparency kahapon.
Ayon kay QCPD Acting District Director Police Col. Randy Glenn Silvio, walang untoward incident na nangyari sa buong araw ng rally kapahon.
Aniya, prayoridad nilang isaalang-alang ang kapakanan ng mga kababayan lalo na sa pagsiguro sa karapatan nilang ihayag ang kanilang saloobin na ligtas at payapa.
Ang matagumpay umanong kilos-protesta ay naisakatuparan sa pamamagitan ng teamwork ng kanilang personnel at partners.
Kaya naman asahan na magiging payapa at maayos ang susunod na dalawang araw pang kilos-protesta.
Kasabay nito, nagpasalamat si Silvio sa kanilang partner agencies, volunteer groups, organizers at civic partners dahil sa maayos nilang koordinasyon.
Nasa kabuuang 1,715 QCPD personnel na idineploy sa iba’t ibang lugar sa Quezon City kabilang na ang People Power Monument at House of Representatives para sa maayos na kilos-protesta.









