Binigyang-diin ng National Vaccination Operation Center na kailangang mayroong guardian consent at alam ng mga kabataan ang bakunang ituturok sa kanila bago sila bigyang ng COVID-19 vaccine.
Ito ang nilinaw ni Department of Health (DOH) Usec. Myrna Cabotaje sa gitna ng mga paghahandang ginagawa ng pamahalaan para sa test run ng pagbabakuna sa 12 -17 years old sa Metro Manila kung saan mauuna ang mga mayroong comorbidity.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Cabotaje na bukod sa pagpayag ng mga magulang, kailangan din na mayroong pagsang-ayon mula sa mga bata na mabakunahan at hindi sila dapat na napilitan lang.
Aniya, dapat alam din ng mga mababakunahan kung ano ang ibibigay sa kanilang bakuna.
Bukod dito, kailangan din aniyang magpresinta ng medical certificate mula sa doktor kung saan nakasaad ang impormasyon sa comorbidities ng mga batang babakunahan.