Sinuspinde na ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang paring viral matapos umanong makaalitan ng obispo.
Sa isang pahayag, sinabi ng Roman Archdiocese of Manila (RCAM) na ito ay dahil sa patuloy na hindi pagsunod ni Fr. Alfonso Valeza sa Arsobispo ng Maynila sa kabila ng mga babala.
Kaugnay ito sa sinasabing pagmamatigas ng pari na umalis sa St. Joseph Parish, Gagalangin, Tondo kung saan siya naka-assign bilang Parochial Administratior kahit na pinaalis na siya ng Parokya.
Dahil dito, suspendido muna si Valeza habang iniimbestigahan ng RCAM ang mga pangyayari.
Pinagbawalan din muna siyang magsagawa ng mga sakramento gaya ng Misa, Kasal, o Binyag.
Sa ngayon, tatlong pari ang itinalaga na pansamantalang mamamahala sa nasabing Parokya.
Nauna nang nilinaw ng CBCP na pinagsasabihan lamang at hindi sinakal ni Novaliches Bishop Emeritus Antonio Tobias ang nasabing pari taliwas sa kumakalat sa social media.
Napag-alaman pa na dati nang naging pasaway ang sinuspindeng pari bago pa man ang nangyaring insidente.