PARISH PRIEST NG BACNOTAN, LA UNION, PINAGBIBITIW NG PUBLIKO DAHIL SA ISYU SA PONDO

Nagprotesta ang ilang residente ng Bacnotan, La Union upang ipanawagan ang pagpapatalsik kay Fr. Raul Panay, pari ng St. Michael the Archangel Parish, dahil sa umano’y iregularidad sa paggamit ng pondo ng simbahan.

Makikita sa harap ng simbahan ang mga karatula mula sa mga nagpoprotestang parokyano na nananawagan ng pagbibitiw ng pari. Subalit mariing itinanggi ni Fr. Panay ang mga paratang, ipinaliwanag niyang ang malaking bahagi ng donasyong nalilikom mula sa mga barangay ay ginagamit para sa pagpapa renovate ng kumbento ng simbahan.

Ayon sa kanya, ang pondo ay nasa pangangalaga ng sekretarya ng simbahan at may gabay mula sa Parish Pastoral Council. Dagdag pa niya, handa siyang magpakita ng mga resibo ng gastusin upang maipakita ang transparency at maibsan ang pag-aalinlangan ng publiko.

Samantala, nakatakda si Fr. Panay na makipagpulong sa obispo ng archdiocese upang talakayin ang isyu. Aniya, handa siyang sumailalim sa reshuffling depende sa magiging desisyon ng obispo matapos ang isinasagawang imbestigasyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments