Parlade, nilinaw na hindi niya pinatutungkulan ang lahat ng mga senador sa kanyang “stupid” remark

Nilinaw ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Spokesperson Lieutenant General Antonio Parlade Jr. ang kanyang binitawang “stupid” remark.

Nabatid na maghahain si Senate Minority Leader Franklin Drilon ng resolusyon para kastiguhin si Parlade sa kanyang umano’y pahayag na magiging ‘istupido’ lamang ang mga senador kung babawiin nila ang pondo ng NTF-ELCAC.

Sa interview ng RMN Manila, iginiit ni Parlade na hindi naiintindihan ng mga mambabatas kung saan nakalaan ang pondo ng task force.


Marami aniya ang umaasa sa NTF-ELCAC lalo na at may mga programa ito tulad ng farm-to-market roads at livelihood projects.

Sabi pa ni Parlade na hindi naman makatwiran na babawiin ang pondo ng task force dahil lamang sa kanya.

Iginiit ni Parlade na hindi lahat ng mga senador ang pinatutungkulan niyang istupido.

Pinuna rin ni Parlade ang pagturing ni Senator Drilon sa NTF-ELCAC fund bilang Pork Barrel at tila hindi alam at binabasa ng senador ang mga pinipirmahan nilang batas.

Handa rin si Parlade na magbitiw sa NTF-ELCAC basta huwag idamay ang pondo.

Una nang sinabi ni Parlade na wala silang isinagawagang profiling sa mga community pantries at buo ang kanilang suporta sa ganitong inisyatibo.

Muling iginiit ni Parlade na wala silang nire-redtag na sinuman.

Facebook Comments