Huwag sayangin ang kapangyarihang hawak ngayon sa pagpili ng mahusay na lider.
Ito ang mensahe ni Father Douglas Badong, parochial vicar ng simbahang Quiapo sa aktibidad ng Commission on Elections (COMELEC) at Manila Police District (MPD) kasama ang mga kinatawan ng mga partido politikal, ilang community leader at religious leader sa Rizal Park.
Sinabi ni Father Badong na kung tatanggap ng pera ang botante kapalit ng kanyang boto, ito na raw ang magiging halaga ng pagkatao ng botante sa mata ng mga politiko.
Maging si Abdul Majid Ali, ang Imam ng Manila Golden Mosque, ay kinatigan ang mga binitawang salita ni Fr. Badong kung saan iginiit nito na napakalaking kasalanan ang pagbibigay at pagtanggap ng pera kapalit ng boto.
Sinabi pa ni Father Badong na noong siya ay nagtrabaho bago naging pari ay maraming prosesong pinagdaanan at clearance na isinumite para matanggap bilang manggagawa.
Aniya, ganito rin dapat ang gawing sukatan sa mga kandidato na dapat magsilbing lingkod bayan at hindi sila ang pinaglilingkuran ng mamamayan.