
Isinauli na ng isang simbahan sa Bulacan ang donasyong sasakyan mula sa isang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nasasangkot sa umano’y iregularidad sa mga proyekto ng flood control.
Ayon sa Pastoral Council ng San Pascual Baylon Parish o National Shrine of Our Lady of Salambao sa Obando, ibabalik nila ang isang Nissan Navara pickup na idinonate ni dating DPWH 1st District Engineer Henry Alcantara nonong Hunyo ng nakaraang taon.
Paliwanag ng parokya, tinanggap nila ang sasakyan “in good faith” at para na rin magamit sa paglilibot ng imahen ng Birhen ng Salambao sa iba’t ibang parokya.
Pero matapos lumabas ang ulat na dawit si Alcantara sa isyu ng korapsyon, nagpasya ang mga lider ng simbahan na isauli ito sa pamamagitan ng legal na proseso.
Ang desisyong ito ay alinsunod anila sa tagubilin ng Diocese of Malolos at ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Humingi naman ng paumanhin ang parokya sa mga mananampalataya at publiko at iginiit na ang kanilang hakbang ay pagpapakita ng paninindigan ng simbahan para sa katarungan at integridad.









