Manila, Philippines – Naniniwala si dating Customs Commissioner at Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na bahagi ng reporma sa Bureau of Customs ang pagtatalaga ng mga militar sa ahensya.
Ayon kay Biazon, bunga ng pagkadismaya sa nangyayaring smuggling at katiwalian sa BOC ang desisyon ni Pangulong Duterte na isailalim sa military control ang Customs.
Aniya, nangangahulugan lang ito ng commitment ng Pangulo na ireporma ang BOC sa gitna ng kinakaharap na mga kontrobersya.
Subalit, dapat aniyang maging malinaw kung anu-anong posisyon ang ite-take over ng militar pati na ang tungkuling kanilang gagampanan gayundin ang parameters ng pamumuno na maihahalintulad sa isang military operation.
Paliwanag ni Biazon, kailangang ikunsidera ng AFP ang mandato ng BOC sa trade facilitation, revenue collection at border security dahil bukod sa anti-corruption at kampanya laban sa ilegal na droga ay mahalaga ring pagtuunan ng pansin ang usaping pinansyal at kalakalan.