Parte ng LGUs sa koleksyon ng national government, pumalo sa 10.1 billion

Nasa kabuuang ₱10.1 billion ang paghahatian ng iba’t ibang mga lalawigan, lungsod, munisipalidad at barangay na kanilang parte sa nakolekta ng pamahalaan na ‘national wealth use’ revenues ngayong taon.

Inihayag ito ni House Committee on Good Government and Public Accountability Vice Chairman at Surigao del Sur 2nd Dist. Rep. Johnny Pimentel.

Sabi ni Pimentel, ang nasabing koleksyon ay sumasaklaw sa 40% share ng local government units (LGUs) mula sa kita ng national treasury sa ipinataw na mining taxes, royalties mula sa mineral reservations, forestry charges at sa renewable power assets ng bansa.


Paliwanag ni Pimentel, ang pagkuha ng mga lokal na pamahalaan ng parte sa naturang koleksyon ay alinsunod sa itinatakda ng Local Government Code of 1991 at ng Renewable Energy Law of 2008.

Naniniwla si Pimentel, na ang tumaas na kita ng National Treasury mula sa paggamit ng natural resources ng bansa ay dulot ng pagtaas ng global metal prices at pagdoble sa excise tax rate sa minerals, mineral products, at quarry resources, na mula two percent ay ginawang four percent sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law.

Facebook Comments