Manila, Philippines – Sa Lunes ay plano ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon na maglabas ng partial report kaugnay sa imbestigasyon ukol sa 6.4 billion pesos na shabu galing China na nakalusot sa Bureau of Customs.
Matapos ang ika-anim na pagdinig ngayong araw ay sa September 25 na uli magkakaroon ng susunod na hearing kung saan kasama na ring sisilipin ang expose ni Senator Panfilo Ping Lacson ukol sa tara system o katiwalian sa BOC.
Sa pagdinig ngayong araw ay lumitaw sa palitan ng text message ng broker na si Mark Taguba at tita Nanie ang pangalan ni Vice Mayor Paolo Duterte at Atty. Mans Carpio na mister ni Mayor Sarah Duterte.
Pero para kay Gordon, hearsay pa rin ito at hindi pa rin sapat na basehan para ipatawag na sa pagdinig sina Vice Mayor Paolo at Atty. Carpio.
Humarap din sa pagdinig si Davao City Councilor Nilo ‘Small’ Abellera na umano’y miyembro ng Davao Group kasama ni tita Nanie at isang Jack.
Inamn ni Abellera na nagkita nga sila ni Mark Taguba sa restobar na Casa De Amigos sa Davao pero kanyang iginiit na wala siyang alam na Davao Group at wala din siyang tinatanggap na 5-million piso mula kay Taguba.
Kaugnay nito ay pinasubpoena ni Gordon ang CCTV footage sa nabanggit na restaurant noong January 16, 2017 na nagkita sina Taguba, Jack, at Small.
Pinapakilos naman ni Gordon ang National Bureau of Investigation at Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA para alamin ang tunay na pagkakakilanlan kina tita Nanie at Jack para sila ay mapaharap na sa pagdinig.