Partial findings ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa umano’y overpriced na pandemic supplies, tinawag na “kwentong kutsero” ni Spokesperson Roque

Tinawag na “kwentong kutsero” ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang partial findings ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng pagbili ng pamahalaan ng mga umano’y overpriced na pandemic supplies sa Pharmally.

Ayon kay Roque, hindi naman napatunayan sa pagdinig ng Senado ang kinalaman ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbili ng mga Personal Protective Equipment (PPE) sa Pharmally.

Aniya, batay rin sa Commission on Audit (COA) ay walang overpricing sa pagbili ng mga PPE at wala ring nalabag na batas dahil nasunod naman ang itinakda ng Bayanihan 1.


“Uulitin ko po ha, unang-una, wala pong overprice sa pagbili ng mga PPE sang-ayon po iyan sa chairman ng Commission on Audit. Pangalawa, wala pong nalabag na batas dahil ang Kongreso mismo po ang nagbigay ng Bayanihan I at binigyan ng kapangyarihan ang Presidente na bumili ng mga PPEs at iba pang kinakailangan natin sa lalong mabilis na panahon. So, malinaw po iyan, so kung wala pong paglabag sa batas at walang overprice, bakit magkakaroon ng grand conspiracy; usaping kutsero po ng isang taong namumulitika,” ani Roque

Una nang sinabi ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Richard Gordon na dapat sampahan ng patong-patong na kaso ang mga nasa likod ng Pharmally.

Unang-una na rito si dating Presidential Economic Adviser Michael Yang na pumondo sa Pharmally habang estafa ang dapat ikaso kina Pharmally Executives Krizle Mago at Mohit Dargani.

Bukod sa kanila, pinakakasuhan din ng samu’t saring kaso ang iba pang Pharmally at dating PS-DBM officials.

Facebook Comments