Naisumite na ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang partial report sa isinagawang imbestigasyon sa mga iregularidad at alegasyon ng korapsyon sa PhilHealth.
Sa interview ng RMN Manila kay PACC Commissioner Greco Belgica, nasa tatlumput anim (36) na mga opisyal at tauhan ng PhilHealth ang inirekomenda nilang makasuhan sa Office of the Ombudsman.
Kabilang sa mga pinagbatayan ng PACC na may matinding korapsyon sa PhilHealth ay ang COA report kung saan aabot sa 153.7 billion pesos ang nawalang pondo sa ahensya simula pa noong 2013.
Bukod sa modus kung saan inilalagay na COVID-19 ang sakit ng isang pasyente kahit iba ang sakit nito para lamang makakuha ng malaking diskwento, natuklasan din nila na may isang ospital ang nakakuha ng 200 million pesos yearly sa PhilHealth kahit sampu lang ang bed capacity nito.
Sinabi ni Belgica na kaya hindi matapos-tapos ang korapsyon sa PhilHealth ay dahil sa sistemang ipinapatupad ng ahensya na dapat nang mabago.