Nasilayan kahapon sa Pilipinas at sa iba’t ibang panig ng mundo ang annular solar eclipse o “Ring of Fire” eclipse.
Ang solar eclipse ay nangyayari kapag direktang dumadaan ang buwan sa gitna ng mundo at araw, at nakahanay ito sa isang linya na nagreresulta sa pagtatakip ng buwan sa araw.
Ang eclipse ay nakita sa ilang lugar sa Africa, China at Asya.
Dito sa Pilipinas, partial solar eclipse ang nakita kung saan higit kalahati ng araw ang natakpan ng buwan.
Ang Hilagang Luzon ang nagkaroon ng magandang view sa eclipse kahapon kung saan higit 90% ng araw ang natakpan, habang ang mga nasa Metro Manila ay nasilayan ang halos 70% ng araw na natakpan ng buwan.
Maliban sa eclipse, nangyari rin kahapon ang summer solstice kung saan mahaba ang oras ng araw at maikli naman ang oras ng gabi.
Sa mga susunod na solar eclipse, nagpaalala ang PAGASA na huwag direktang tingnan ang araw dahil magdudulot ito ng pagkabulag at mahalagang gumamit ng eye protection.