Partido Reporma Chairman Ping Lacson, may paglilinaw sa kaniyang tweet hinggil sa unang laboratoryo kung saan siya nagpa-swab test

Nilinaw ni Partido Reporma Chairman at standard bearer Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang kaniyang nakaraang tweet patungkol sa unang laboratoryo kung saan siya nagpa-swab test para malaman kung siya ay positibo o negatibo sa COVID-19 na umani ng batikos mula sa ilang mga netizen.

Ayon sa ilang netizen, nagpapa-importante ang senador gayong tumaas ang demand para sa serbisyo ng mga testing center.

Iginiit ni Lacson na ang kaniyang reklamo ay ang hindi pagsunod ng naturang laboratoryo na makukuha ang resulta sa loob lamang ng 12 oras gaya ng kanilang ipinangako.


Matatandaan, nag-tweet si Lacson nitong Enero 6, kung saan sinabi nito na nadismaya siya dahil umabot ng mahigit 40 oras ang kanilang paghihintay sa resulta ng kanilang swab test.

Aniya, nagdulot ito sa kaniya ng pangamba dahil may comorbidity ang kaniyang asawa at yung mga staff niya na mas mainam na malaman agad kung positive o negative para mabawasan yung nararanasang anxiety.

Paliwanag ng Presidential aspirant na hindi siya nagmamalabis, hindi siya nag-fi-feeling entitled kundi yung lang ang kaniyang nararamdaman.

Ayon pa kay Lacson, hindi lang naman siya ang nakaranas ng mabagal na resulta ng COVID-19 test, maski ang ilang mga Overseas Filipino Worker na umuwi sa bansa at sumailalim sa nasabing regulasyon upang makapiling sana ang kanilang mga pamilya noong nagdaang bakasyon.

Kaya nais lamang ng senador na maging mas maayos at tapat sa mga kliyente ang mga testing center.

Sinabi pa ni Lacson, ang mga ganitong sitwasyon ay nakadaragdag ng stress sa mga taong kinuhanan ng sample kaya mahalaga na mabigyan sila ng update ng mga laboratoryo.

Dagdag pa niya, nauunawaan niya na abala rin talaga ang mga ito sa dami ng nagpapa-test ngayon.

Samantala, sang-ayon si Lacson sa pagbibigay ng libreng COVID-19 testing lalo na sa mga ordinaryong manggagawa na matinding naapektuhan sa muling pagsasailalim ng Metro Manila sa Alert Level 3 matapos muling sumipa ang kaso ng COVID-19.

Facebook Comments