Partido Reporma: Mag-ingat sa kumakalat na Ping ayuda scam

Pinag-iingat ang publiko sa kumakalat na text message na ginagamit ang pangalan ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson na nag-aalok diumano ng ayuda kapalit ng kanilang personal na impormasyon.

“This is from Ping Lacson Family. Can you please claim your Ayuda’s from our Fam.,” saad sa text message ng “smishing” scammer na kumakalat sa social media.

Para makuha umano ang ayuda, kailangang ipadala ang kumpletong pangalan at tirahan ng nakatanggap ng text. Pero ayon sa biktima ng scam, matapos niyang ibigay ang kanyang personal na impormasyon ay hindi na siya nakatanggap ng tugon mula sa nagpadala ng mensahe.


Hinihikayat ng Partido Reporma ang publiko na huwag tumugon sa kahina-hinalang mensahe na ito sa text man o sa mga messaging app dahil kailanman ay hindi ito pinahintulutan ni Lacson.

Una nang nanawagan ang batikang mambabatas at dating hepe ng kapulisan sa National Privacy Commission upang imbestigahan ang online vote-buying, gayundin ang fake news kaugnay sa May 9, 2022 elections. Aniya, hindi lang ito banta sa halalan ngunit maging sa ating demokrasya.

Ang smishing o SMS phishing ay panloloko na isinasagawa sa pamamagitan ng pagpapadala ng text na mula umano sa isang kompanya o sikat na personalidad para makakuha ng personal na impormasyon tulad ng password, credit card number o tirahan.

Facebook Comments