Nilinaw ng Partido Reporma na walang nire-red-tagging si presidential aspirant Senator Panfilo Lacson sa kaniyang naging pahayag tungkol sa campaign rally ng isa pang presidential candidate.
Sa panayam ng RMN News Nationwide, sinabi ni Cong. Romeo Acop, tagapagsalita ni Partido Reporma presidential candidate Sen. Panfilo “Ping” Lacson on peace and order na pinag-iingat lamang ni Lacson ang lahat sa makakaliwang grupo na ginamit ang eleksyon bilang oportunidad para maisulong ang kanilang agenda.
Giit ni Acop, batid naman ng lahat na matagal ng kalaban ng gobyerno ang Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).
Matatandaang nagsimula ang paratang na red-tagging laban kay Lacson nang mag-react ito sa balitang nagkaroon ng bigayan ng P500 para dumugin ang campaign rally ni presidential aspirant Vice President Leni Robredo sa Cavite.