Partido Reporma standard-bearer Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson, matatag at positibo ang pananaw na aangat siya sa mga isinasagawang mainstream survey

Matatag at positibo ang pananaw ni Partido Reporma standard-bearer Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson na aangat siya sa mga isinasagawang mainstream survey sa mga tumatakbo bilang pangulo ng Pilipinas ngayong 2022 elections.

Sa kabila ito na hindi nagbago ang kaniyang numero base sa mga naturang mainstream survey.

Ayon kay Lacson, hindi pa nito sinasalamin ang naging performance ng mga kandidato sa mga katatapos at magaganap pang debate o forum para sa mga presidential aspirant.


Sa ginanap kahapon na ‘Meet the Press’ forum sa Greenhills, San Juan City, sinabi ni Lacson na ang mga survey bago ang mismong araw ng eleksyon ay hindi ang katapusan o hindi rin tagaumpay ng mga kandidato lalo na sa mga tumatakbong presidente ng bansa.

Malaki ang paniniwala ni Lacson na ang mga political debate na magaganap pa sa gitna ng COVID-19 pandemic ay makakapagpabago sa takbo ng krusada.

Gayumpaman, nilinaw ni Lacson na handa siya kung ano man ang magiging resulta ng pagtakbo niya bilang pangulo sa halalan at kung sakaling hindi mabago ang kaniyang survey.

Ayon pa kay Lacson, pananatilihin ng Lacson-Sotto tandem kasama ang kanilang mga senatorial aspirants ang kampanya na nakapokus sa mga isyung kinakaharap ng bansa lalo na sa COVID-19 pandemic at pagpapaliwanag sa publiko ng kanilang mga plataporma na layunin ang tunay na reporma.

Pagdidiin ni Lacson, hindi lolokohin ng kaniyang grupo ang mga botante sa pamamagitan ng pagkanta o pagsayaw sa mga kampanya at pagbibigay ng mga pangako ng ibang kandidato na wala namang laman.

Isinusulong ng team Lacson-Sotto ang mga panata na “Aayusin ang Gobyerno, Aayusin ang Buhay ng mga Pilipino” at “Uubusin ang Magnanakaw.”

Samantala, tutungo ngayong araw sa Davao ang Team Lacson-Sotto sa pangunguna ni Partido Reporma standard-bearer Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson.

Kabilang sa mga lugar na pupuntahan nila ay Panabo Gym, Reporma Headquarter, National Highway, VIP clubhouse, DNSTC, Queens of Apostles Seminary, EPark, Tagum City at DayNor Gym.

Facebook Comments