PARTISIPASYON NG KOMUNIDAD SA BRIGADA ESKWELA, HINIHIKAYAT SA BRGY. MINANTE 2

Cauayan City – Hinihikayat ng pamunuan ng Brgy. Minante 2 ang partisipasyon ng komunidad sa nalalapit na pagsisimula ng Brigada Eskwela ngayong taon.

Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team kay Danilo Agsunod, kagawad sa nabanggit na barangay, nararapat lamang na magtulung-tulong ang buong komunidad sa gagawing paglilinis at pagsasaayos sa paaralan.

Ayon kay Kagawad Agsunod, bagama’t wala pang pormal na pag-uusap sa pagitan ng Minante 2 Elementary School at pamunuan ng Brgy. Minante 2, nakahanda silang tumulong sa paaralan anumang oras.


Dagdag pa niya, upang masiguro na magiging maayos at tuluy-tuloy ang partisipasyon ng mga tutulong maglinis ay gagawa sila ng schedule kung sino ang itatalaga sa bawat araw.

Sinabi ni Kagawad Agsunod na ang maayos na pagpapatupad ng Brigada Eskwela ay malaking tulong sa mga mag-aaral dahil sa halip na maglinis sa darating na pasukan ay pag-aaral na lamang ang kanilang iisipin at aatupagin.

Facebook Comments