Pinatatag ng pamahalaang panlalawigan ng La Union ang partisipasyon ng media sa mga gawain ng pamahalaan sa pamamagitan ng dalawang-araw na Media Agkaysa Ronda na dinaluhan ng mahigit 60 media practitioners at content creators.
Layunin ng aktibidad na maipakita sa media ang mga proyektong isinasagawa sa iba’t ibang komunidad, mula sa agri-tourism sites hanggang sa community enterprises.
Binisita ng mga kalahok ang ilang development sites sa southern municipalities ng La Union, kabilang ang Libtong Lake sa Burgos, Kudal Park sa Bagulin, Agricultural Complex at L&D Citrus Farm sa Naguilian, bamboo craft production sa Caba, at Bakawan Eco-Tourism Park sa Bauang.
Ayon sa Media Affairs Office, mahalaga ang aktibidad upang maipakita ang aktuwal na progreso ng mga proyekto sa mismong lugar kung saan ito ipinatutupad.
Ipinaliwanag din ng tanggapan na kapag personal na nasasaksihan ng media ang mga programa, mas nagiging malinaw sa publiko kung paano nagbubukas ang mga ito ng oportunidad para sa iba’t ibang komunidad.
Inaasahan ng pamahalaang panlalawigan na makatutulong ito sa pagpapalalim ng tiwala ng publiko at pagpapatibay ng suporta para sa mabuting pamamahala.









