Sa pamamagitan ng paghahain ng Senate Resolution Number 658 ay hiniling nina Senators Franklin Drilon, Kiko Pangilinan, Risa Hontiveros at Senate President Pro Tempore Ralph Recto na payagan ng makalahok sa plenary sessions at committee hearing si Senator Leila de Lima.
Nakasaad sa resolusyon na maari itong magampanan ni De Lima sa pamamagitan ng teleconferencing o video conferencing kahit siya ay nakabilanggo sa Philippine National Police Custodial Center.
Katwiran ng apat na senador, naka-teleconfence rin naman ngayon ang session at mga pagdinig ng Senado dahil sa pag-iral ng national emergency dulot ng COVID -19 pandemic at may pasilidad din para dito sa Camp Crame kung saan apat na taon ng nakakulong si De Lima.
Binigyang diin pa sa nasabing resolusyon ang kawalan ng batas na nagbabawal sa nakabilanggong mambabatas na gumanap sa tungkulin kaya noon ay nakapagtrabaho pa rin si dating Senator Antonio Trillanes IV kahit nakaditine.
Binanggit din sa resolution ang Senate Resolution Number 7 na inaprubahan noong 2010 na nagsasaad na ang collective wisdom at judgment ng Mataas na Kapulungan ay apektado kapag nagkulang ng kahit isang senador.