Inihain ni Senate President Tito Sotto III ang Senate Bill No. 1989 na naglalayong amiyendahan ang Party List System Law.
Ito ay para maipadiskwalipika sa Party-list system ang mga grupo na kumakalaban o nagsusulong na ibagsak ang gobyerno.
Sa panukala ni SP Sotto ay ipagbabawal ang pagpaparehistro o kaya ay ipapakansela ang registration ng party-list groups na masasangkot sa pagsusulong na ibagsak o pahinain ang kapangyarihan ng pamahalaan.
Target din ng panukala ni SP Sotto na ipadiskwalipika ang sinuman o anumang grupo na tutukuyin ng gobyerno na rebelde o komunista.
Tugon ito ni SP Sotto sa hangad ni Pangulong Rodrigo Duterte na masolusyunan ang umano’y pagiging front organization ng Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) ng mga militanteng party-list groups.