Nanawagan ang Makabayan Bloc na amyendahan ang Party-list Law sa bansa.
Kasabay na rin ito ng naunang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na buwagin ang mga party-lists dahil ito ay pinamumugaran ng mga makakaliwang grupo ngunit sa katatapos namang 2022 election ay namamayagpag ang mga partylists na galing sa mga political clans o traditional politicians.
Hirit ng Makabayan na amyendahan ang Republic Act 7941 o ang Party-list System Act upang magarantiyahan ang representasyon ng mga kabilang sa marginalized sector tulad ng mga manggagawa, maralita at iba pang kabilang sa mahihirap na sektor.
Isinusulong din ang pagsasabatas ng House Bill 242 o Genuine Party-list Group and Nominee Act na inihain din ng Makabayan sa Kamara.
Ipinunto pa ng grupo na nangyari ang ganitong sistema sa Party-lists nang payagan ng Korte Suprema noong 2013 ang pagtakbo ng mga kandidato sa Party-lists na hindi kabilang sa marginalized sector.
Kung hindi mababago ang batas na ito ay tiyak na 100% mawawalan ng kinatawan ang mga kabilang sa sektor ng mahihirap na isang malinaw na paglabag sa 1987 constitution at ng Party-list System Act.