
Hindi pa matukoy ng Malacañang ang malinaw na intensiyon o motibo sa likod ng isinampang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, hindi pa nila nakikita ang opisyal na kopya ng reklamo kaya hindi pa makapagbibigay ang Palasyo ng tiyak at detalyadong tugon tungkol dito.
Ang tanging impormasyong hawak pa lamang ng Malacañang, ayon kay Castro, ay ang party-list na nag-endorso ng reklamo ay may kaugnayan umano sa isa sa mga contractor na binanggit ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa iniimbestigahang flood control scam.
Ang impeachment complaint ay inihain ni Atty. Andre de Jesus at inendorso ni Pusong Pinoy Party-list Representative Jett Nisay, na sinasabing may koneksiyon sa JVN Construction and Trading, isa sa mga contractor na nabanggit ng ICI.
Kaugnay nito, naniniwala si Pangulong Marcos na gagamit ng matinong pag-iisip at susunod sa batas ang mga mambabatas sa pagtalakay sa reklamo, at hindi paiiralin ang pansariling interes.
Tiniyak din ng Palasyo na nananatiling nakatuon ang Pangulo sa kanyang trabaho at sa mga programang magpapabuti sa buhay ng mga Pilipino.










