
Isang kinatawan ng party-list ang nagreklamo umano matapos na mapabilang sa nakalagay sa immigration lookout bulletin order (ILBO) na inilabas ng Department of Justice (DOJ).
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, nakasama sa listahan ang pangalan ni Magsasaka Party-list Rep. Ferdinand Beltran batay sa hiling ng Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senator Rodante Marcoleta.
Muling iginiit ng kalihim na ang pinagbatayan lamang ng kanilang inilabas na ILBO ay mula sa request ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng Senado.
Sinabi pa ni Remulla na posibleng hindi pa nakalabas ng bansa ang pamilya Discaya taliwas sa ilang lumalabas sa social media.
Nanindigan din si Remulla na hindi sila pwedeng magbigay ng exemption sa ILBO dahil lamang nasa posisyon ang isang tao.










