Manila, Philippines – Hinihintay na ng Department of Energy (DOE) ang paliwanag ng mga nagbebenta ng Liquefied Petroleum Gas na nakitaan ng mga paglabag matapos ang isinagawa nilang surprise inspection.
Sabi ni Energy Asec. Leonido Pulido III, hindi sila magdadalawang isip na parusahan ang mga ito kapag hindi sila nagbago.
Bukod dito aniya ay ipapasara rin nila ang mga establisyimento ng mga ito.
Matatandaang sorpresang dinalaw nina Pulido at mga tauhan ng DOE Oil Industry Management Bureau ang ilang LPG resellers kung saan nakitaan ang mga ito ng paglabag.
Ilan sa mga establismento ay ilegal na nagtaas ng presyo ng LPG, hindi naka-display ang LPG Standards Compliance Certificate gayundin ang presyo ng kanilang LPG.
Hinikayat naman ng DOE ang publiko na isumbong kaagad ang mga nagtitinda ng LPG kung mas mataas pa sa P683 ang kada 11-kilogram na tangke ng cooking gas.