Parusa at multa sa mga magbebenta ng sim na gagamitin sa mga cybercrime activities, pinahihigpitan ng isang senador

Iminungkahi ni Senator Sherwin Gatchalian na taasan ang multa laban sa mga indibidwal na nagbebenta ng Subscriber Identity Modules (SIMs) na ginagamit sa mga cybercrime activities.

Ang hiling ng senador ay kaugnay na rin sa ibinunyag ni National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division Chief Jeremy Lotoc sa pagdinig ng Senado na ang mga registered SIMS na ginagamit sa paggawa ng krimen ay lantad na naibebenta sa ilang social media platforms at nadiskubreng nakakagamit ng pekeng identification card ang mga sindikato para mairehistro ang mga SIM.

Inamin ng NBI na nageksperimento sila at matagumpay nilang nairehistro ang fake ID na may larawan ng nakangiting unggoy sa SIM registration sa ilang mga telcos.


Para epektibong mapigilan ang ganitong iregularidad sa SIM registration, inirekomenda ni Gatchalian na baka kailangang mas higpitan at taasan ang multa laban sa mga gagamit ng fake identity sa pagre-register ng SIM.

Sa kasalukuyang Mandatory SIM Registration, ang mga gagamit ng pekeng identity at dokumento sa pagrehistro ng SIM ay mahaharap sa parusang anim na buwan hanggang dalawang taon na pagkakabilanggo at multa na ₱100,000 hanggang ₱300,000.

Bukod sa paghihigpit sa parusa, hinimok ni Gatchalian ang mga telcos na maglatag ng post-validation mechanism na magbeberipika sa pagiging tunay ng detalye ng SIM user.

Facebook Comments