Parusa sa ilalim ng Anti-Hazing Law, sapat na ayon kay Sen. Estrada

Tiwala si Senator Jinggoy Estrada na sapat na ang kasalukuyang batas sa hazing para maparusahan ang mga mapapatunayang sangkot sa krimen.

Ito ang reaksyon ni Estrada kasunod na rin ng pahayag ng ama ng nasawi sa hazing na Adamson University student na si John Matthew Salilig na pabor itong buhayin ang parusang kamatayan para sa mga pumaslang o nanakit sa isang miyembro ng fraternity o sorority sa pamamagitan ng brutal na initiation rites.

Ayon kay Estrada, naniniwala siyang may sapat na penalty provisions ang Anti-Hazing Law para mapanagot at maparusahan ang sabit sa ganitong klase ng krimen.


Sang-ayon naman si Estrada sa mungkahi ng pamilya Salilig na idamay na rin sa mga mapaparusahan ang mga school official na pumapayag o hinahayaan lang ang hazing na mangyari sa mga paaralan.

Naniniwala ang pamilya Salilig na kung mapaparusahan pati ang mga school official ay mababantayang mabuti ang initiation rites ng fraternities o sororities at malaki ang tiyansang hindi gagawin ng mga miyembro ang pananakit na hazing dahil sa mabigat na parusang pwede nilang kaharapin.

Facebook Comments