Parusa sa mga pumalyang kumpanya ng kuryente, pinag-aaralan na

Manila, Philippines – Pinag-aaralan na ng Department of Energy o DOE at Energy Regulatory Commission o ERC ang parusang ipapataw sa mga power generation companies na pumalya ang operasyon at pagsuplay ng kuryente na nakapaloob sa kanilang kontrata.

Ang pagpalyang ito ang naging dahilan ng pagnipis ng suplay o reserbang kuryente sa Luzon na nagdulot ng rotational brownouts.

Ito ang lumabas sa pagdinig ng Joint Congressional Power Commission na pinamunuan ni Committee on Energy Chairman Senator Sherwin Gatchalian at mga kinatawan mula sa Kamara.


Diin ni Gatchalian, may kapangyarihan ang ERC na magpataw ng kaparusahan sa mga generation companies tulad ng multang posibleng umabot hanggang 50 million pesos.

Sa pagdinig ay sinabi ni ERC Commissioner Catherine Maceda na 9 sa 21  planta ng kuryente na pumalya ang operasyon ang kanila ng nabisita, patuloy pa ang kanilang fact finding na masusundan ng imbestigasyon.

Sabi naman ni DOE Secretary Alfonso Cusi, obligasyon ng mga power generation companies na tuparin ang nararapat nilang isuplay na kuryente at gumawa ng solusyon kung may problema sa halip na maging pabigat sa publiko.

Facebook Comments