Malapit nang itaas ang multa sa perjury matapos na makalusot sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 8268.
Sa botong 209 Yes, 0 No at 2 Abstention ay naaprubahan na sa plenaryo ang mas mahigpit na parusa sa mga indibidwal na hindi magsasabi ng katotohanan sa harap ng korte.
Layunin ng panukala na maiwasan na ang paglalahad ng “false testimonies” sa korte at maging sa mga legislative inquiries, hearing at affidavits kung saan nakapanumpa ang isang witness o resource person.
Nakasaad sa panukala na ang mga nagkasala ng perjury ay itataas na sa anim na taon at isang araw hanggang walong taon para sa minimum period, at walong taon at isang araw hanggang sampung taon para sa medium period.
Kung ang nagkasala naman ay isang public officer o empleyado ay otomatiko itong mahaharap sa maximum period na parusa at multang hindi hihigit sa ₱1 milyon gayundin ay hindi na ito papayagang humawak pa sa anumang posisyon at tanggapan ng gobyerno.