Tinukoy ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na paglabag sa Revised Penal Code ang parusang “dry-fasting” na ipinapataw sa mga Kingdom of Jesus Christ (KOJC) member na sumuway umano sa mga utos at aral ng kanilang religious leader na si Pastor Apollo Quiboloy.
Sa pagdinig ng Senado ay sinabi ng isa sa mga dating miyembro na si Teresita Valdehueza na nakaranas ng sexual at physical abuse mula kay Quiboloy, na umabot ng 10 araw na walang kahit anong pagkain o inumin ang ibinibigay sa kanya at may pagkakataon pa na umabot ng 39 na araw bago siya nakakain ng kanin at nakainom ng tubig.
Nababahala si Pimentel na isa ring abogado, na maituturing na krimen ang parusang “dry-fasting” sa mga miyembro na ipinalalabas na isang “spiritual discipline.”
Paglabag aniya ito sa criminal law ng bansa dahil sa tindi ng parusang ipinapataw sa isang indibidwal.
Kasabay nito ang babala ni Pimentel laban sa mga religious group o organisadong grupo na nagpapatupad ng parehong parusa na paglabag ito sa batas at sila ay tiyak na may pananagutan.