Parusang ipapataw sa mga halal o itinalagang public official na hindi susunod sa suspension order, pinadadagdagan ang penalty

Pinadadagdagan ng ilang senador ang penalty na ipapataw sa sinumang elected o appointed public official na tatanggi o hindi tatalima sa isang executory legal suspension o removal order.

Ito ay kaugnay na rin sa imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order hinggil sa pagtanggi ni Misamis Occidental Mayor Samson Dumanjug na sumunod sa ipinataw na suspension order laban sa kaniya matapos maharap sa isyu ng korapsyon kasama ang asawa nitong si Vice Mayor Evelyn Dumanjug.

Giit ni Senator Chiz Escudero, ang dapat na dagdag parusa sa kanila ay temporary o permanenteng diskwalipikasyon na tumakbo at humawak ng anumang posisyon o tanggapan sa gobyerno.


Nagtataka si Escudero kung bakit sa umpisa ng pagdinig ay hindi natanong si suspended Mayor Dumanjug tungkol sa hindi pagsunod sa suspension order at wala sanang gulong nangyari kung sumunod lamang ang suspendidong opisyal.

Sinabi pa ng senador na ang paggigiit ni Mayor Dumanjug na hindi niya binasa ang kanyang Miranda rights ay admission na nakagawa o suspek siya sa isang krimen o paglabag sa batas.

Ganito rin ang paniniwala ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na naiwasan sana ang tensyon at karahasan kung sumunod na sa suspension order ang mayor sa halip na nagmatigas manatili sa puwesto.

Magkagayunman, hindi naman aniya masisisi ang isang duly elected official kung sa tingin nito ay may legal na basehan para ipaglaban ang kanyang karapatan, tungkulin at responsibilidad.

Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Misamis Occidental Governor Henry Oaminal na nakipag-ugnayan sila sa Department of Interior and Local Government (DILG) para matiyak ang maayos na pagpapatupad ng suspension order pero sa halip ay “rule of man” imbes na “rule of law” ang umiral sa bayan ng Bonifacio makaraang magmatigas ang alkalde na nagkampo pa sa kanyang tanggapan bagay na kanilang ikinabahala dahil madidiskaril ang paghahatid ng serbisyo sa publiko.

Facebook Comments