Isinusulong muli ni House Committee on National Defense and Security Vice Chairman Ruffy Biazon na ibalik ang parusang kamatayan para sa drug trafficking at pag-upgrade sa Philippine Drug Enforcement Agency.
Kasunod ito ng isinagawang magkahiwalay na operasyon ng PDEA kamakailan sa isang mall at subdivision sa Muntinlupa kung saan nasabat ang pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng P1.1 Billion.
Ayon kay Biazon, nakakabahalang umuusbong na ang sirkulasyon ng ilegal na droga sa mga exclusive subdivision kaya dapat nang i-review ang kanilang security measures at makipagtulungan ang mga residente.
Umapela rin ang kongresista sa PDEA na agad tukuyin kung sinu-sino ang mga koneksyon o kasabwat na indibidwal ng mga nahuling suspek na pinaniniwalaang miyembro ng Chinese Gold Triangle Syndicate.
Samantala, iginiit din ng mambabatas na sa kabila ng agresibong kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa ilegal na droga ay nananatili ang problema dulot ng kawalan ng ngipin ng mga kasalukuyang batas.