Pinaburan ni CIBAC Party-list Representative Bro. Eddie Villanueva ang pagbabalik ng parusang kamatayan sa mga karumal-dumal na krimen.
Ayon kay Villanueva na lider at founder ng Jesus is Lord Church, “biblical command” ng Diyos ang parusang kamatayan na nasa old at new testament.
Bagamat pabor si Villanueva sa pagbabalik ng death penalty, mas dapat aniyang pagtuunan ang justice system ng bansa.
Kailangan aniya na magkaroon ng safety nets ang batas, upang sa gayon ay maiwasan na maging anti-poor ang pagpapatupad ng parusang kamatayan.
Pinaalalahanan din nito ang gobyerno na maging “wisdom driven” sa pagpapatupad ng mga polisiyang may malaking impact sa buhay ng taong bayan.
Matatandaan na hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso sa kanyang ika-apat na SONA na ipasa ang panukalang parusang kamatayan para sa mga kasong may kaugnayan sa iligal na droga at pandarambong.