Manila, Philippines – Pasado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang 10 days service incentive leave para sa mga manggagawa.
Sa House Bill 6770 na inihain ni Baguio City Rep. Mark Go, inaamyendahan nito ang Labor code kung saan mula sa limang araw na service incentive leave ay ginawang 10 araw ang service incentive leave ng mga empleyadong walang vacation o sick leave with pay.
Layunin ng panukala na itaas ang morale at productivity ng mga empleyado sa kanilang mga trabaho.
Nakasaad sa panukala na ang mga empleyado na nakapagsilbi na ng isang taon ay may karapatan na sa sampung araw na service incentive leave.
Paliwanag ni Go, sa kasalukuyan ang batas ay hindi nagoobliga sa mga employers na magbigay ng sick at vacation leave.
Ito aniya ay naigagawad na lamang base sa prerogatibo ng employer o kaya naman ay kasama sa kontrata ng empleyado o sa pamamagitan ng collective bargaining agreement.
Ang itinatakda lamang umano ng Labor Code ay ang limang araw na service incentive leave na may bayad.