Manila, Philippines – Pasado na rin sa Kamara ang House Bill 7033 na layong i-rehistro, bigyan ng lisensya at accreditation system ang mga social welfare and development agencies.
Sa botong 166 yes at 6 no ay nakapasa sa ikatlo at huling pagbasa ang `Social Welfare and Development Agencies Act` na ini-akda ni COOP-NATCO Representative Anthony Bravo.
Layunin din ng panukala na matiyak ang pagiging epektibo, gayundin ang efficiency at accountability sa pagbibigay ng de kalidad na social welfare at development programs at services.
May nakapaloob ding benepisyo at mga pribilehiyo sa mga licensed, accredited at registered social welfare development agencies.
Binibigyang mandato naman ang DSWD na manguna at mamahala sa mga agencies at organisasyon na gumagawa ng social welfare at development activities.
Ang DSWD ang mangongolekta ng application fees para sa registration, licensing, accreditation at monitoring sa mga social welfare development agencies.
Ang mga lalabag na social welfare development agencies na mag-o-operate na walang lisensya ay pagmumultahin ng ₱100,000 hanggang kalahating milyong piso at pagkakakulong ng isa hanggang tatlong taon.