PASADO NA | Telecommuting o Work from Home program para sa private sector, aprubado na sa Kamara

Manila, Philippines – Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 7402 o ang Work from Home Program para sa pribadong sektor.

Sa botong 239 yes at 0 no ay nailusot sa plenaryo ang `Telecommuting Act` na layong bigyan ang mga empleyado sa pribadong sektor na makapagtrabaho sa labas ng opisina sa pamamagitan ng telecommunication o paggamit ng computer technology.

Sa ilalim ng panukala na pangunahing ini-akda ni Camarines Sur Representative Luis Raymund Villafuerte, inaatasan ang Department of Labor and Employment (DOLE) na gawin ang telecommuting program sa mga piling kumpanya na tatagal sa loob ng tatlong taon.


Sa oras na maging ganap na batas, papayagan ang mga employer sa private sector na i-alok at isailalim sa telecommuting program ang mga empleyado ng `voluntary basis`.

Kaakibat ng telecommuting program ang terms and conditions sa pagitan ng employer at empleyado tulad ng minimum labor standards na itinatakda ng batas, compensable work hours, overtime, rest days, night shift differential, at leave benefits.

Tinitiyak sa panukala na itatrato ng mga employer ang mga telecommuting employees kapareho sa mga empleyado nilang nasa opisina nagtatrabaho.

Facebook Comments