Manila, Philippines – Lalong lumaki ang posibilidad na mahati sa tatlong probinsiya ang Palawan.
Lusot na kasi sa Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 8055 na layuning hatiin sa tatlong probinsiya ang Palawan.
Sa botong 14-1 pabor ang Senado na hatiin sa Palawan del Norte, Palawan Oriental at Palawan del Sur.
Sa panukala sasakupin ng Palawan Del Norte ang mga bayan ng Coro, Culion, Busunga, Linacapan, Taytay at El Nido.
Nasa Palawan Oriental naman ang Roxas, Araceli, Dumaran, Cuyo, Agutaya, Magsaysay, Cagayancillo at San Vicente.
Mapapabilang naman sa Palawan Del Sur ang Aborlan, Narra, Quezon, Rizal, Espanola, Brooke’s Point, Bataraza, Balacbac at Kalayaan sa West Philippine Sea.
Dahil lusot na sa Senado, uusad na ang panukalang batas sa Bicameral hearing at kung sakaling maaprubahan ito, isasalang ito sa plebisito sa 2020.
Ang mga taga-Palawan ang magdedesisyon kung nais nilang mabiyak ang kanilang probinsiya.