MOSCOW, Russia — Binawian ng air miles o travel points ang isang pasahero ng Aeroflot matapos nitong ipagyabang online kung paano niya nailusot sa eroplano ang overweight na alagang pusa noong Nobyembre 2.
Sa Facebook, ikinuwento ni Mikhail Galin, 34, na sinabihan daw siyang masyadong malaki ang pusang si Viktor para payagan sa passenger cabin sa biyahe nila pauwi sa Far Eastern Vladivostok mula Latvia.
Tumimbang ng 10 kilo ang pusa– sobra sa walong kilo na puwedeng dalhin sa cabin.
Dahil ayaw ni Galin na iwanan si Viktor sa lagayan ng mga bagahe, hindi muna siya sumakay para gawin ang naisip na paraan: ang maghanap ng kaparehong pusa na may mas mababang timbang.
Kinabukasan, bumalik ang pasahero sa airport dala-dala ang alaga, ang kamukha nitong pusa at mga may-ari.
Tagumpay na nakasakay sa business class si Galin matapos pagpalitin si Viktor at pusang si Phoebe na pitong kilo ang bigat.
Ikinatuwa ng maraming Russian cat owners ang waging plano ng pasahero, habang ang Aeroflot naman ay walang balak makipagbiruan–dahilan para magsagawa ng imbestigasyon sa insidente.
Nakumpirma sa footage ng surveillance camera na lumabag sa patakaran ng airline ang pasahero.
“Aeroflot has taken the decision to take this passenger out of its frequent flyer program. All of the miles collected during his time in the program will be annulled,” pahayag ng Aeroflot.
Maraming Russian ang nagalit sa naturang desisyon kung saan ang ilan pa ay nagbabala na magpoprotesta.
Ikinabahala naman ng ilang cat owner ang posibleng paghihigpit ng iba pang airlines dahil sa nangyaring insidente.