Kilala na ng mga otoridad ang nasa likod ng tangkang pagpupuslit ng nasa higit 1,500 buhay na pagong sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakailan.
Ayon kay Airport Customs District Collector Carmelita Talusan matapos ang serye ng beripikasyon nila sa mga Airline Companies natukoy nila ang pagkakakilanlan ng suspek na si Ramon Christopher Delim Vergel de Dios.
Base sa rekord ng immigration, si de Dios ay umalis ng Manila noong February 28 at nagtungo ng Singapore at dumating sa bansa nitong Linggo, March 3 ng umaga galing ng Hong Kong lulan ng PAL flight PR311.
Sinabi pa ni Talusan kay de Dios din nakapangalan ang 4 na luggages na nakuhanan ng 1,532 live turtles.
Inabandona nito ang mga maleta makaraang isalang sa x-ray at mabisto ng customs personnel ang mga buhay ng pagong.
Sa ngayon, pinadalhan na ng subpoena si de Dios at posibleng maharap sa paglabag sa illegal trading of wildlife at smuggling.
Maaari ding makulong nang hanggang 2 taon at multang ($3,861) o P200,000 ang naturang suspek.