Naantala ang isang flight sa China matapos buksan ng isang babaeng pasahero ang emergency exit ng eroplano para sa “sariwang hangin” nitong Lunes, Setyembre 23.
Paalis na sana ang eroplano sa Xiamen Airlines mula sa Wuhan papuntang Lanzhou nang mangyari ang insidente, ayon sa mainland media base sa ulat ng South China Morning Post.
Pinaalalahanan ng flight attendant ang mga pasaherong nakaupo malapit sa mga emergency door na huwag pipindutin ang buton na magbubukas dito, pero ginawa pa rin ng babae.
Katwiran niya, masiyadong tuyot sa loob at gusto niyang makalanghap ng sariwang hangin.
Dinala ng mga pulis ang pasahero, habang naantala naman nang isang oras ang flight.
Maaaring detenihin ang babae at pagmultahin yamang itinuturing na krimen ang pagbubukas ng emergency exit sa mga eroplano.