Naghain ng interbensyon sa Korte Suprema ang ilang pang transport groups para tutulan ang Temporary Restraining Order plea laban sa PUV modernization at franchise consolidation.
Kabilang sa intervenors ang Pasang Masda Nationwide, Inc. (Pasda Masda), Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (Altodap), Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), at Liga ng mga Transportation at mga Operator ng Pilipinas (LTOP).
Ito ang mga grupo na pabor sa PUV Modernization program ng pamahalaan.
Panawagan nila sa korte na huwag pigilan ang implementasyon ng jeepney modernization drive, dahil nais nilang mabago ang sistema ng pampublikong sasakyan dahil napag-iiwanan na ang Pilipinas.
Ayon kay Pasang Masda President Ka Obet Martin, 80% na ng kanilang mga kasapi sa buong bansa ay pumapabor sa jeepney modernization at pagsapi sa jeepney cooperatives.
Dagdag pa ni Martin, hindi dapat katigan ng Korte Suprema ang petisyon ng grupong PISTON at MANIBELA lalo na at noong June 17,2017 pa umuusad ang naturang programa ng gobyerno.
Sa ilalim aniya ng modernization program, sasapi sa kooperatiba ang jeepney operators at ang kooperatiba na lamang ang magha-hire ng mga tsuper na tatanggap ng arawang suweldo at may kumpletong benepisyo gaya ng SSS, PhilHealth at insurance.