Pasaporte ni Alice Guo, pinakakansela na ng Malacañang

Ipinag-utos na ng Malacañang ang kanselasyon ng pasaporte ni dismissed Bamban Tarlac Mayor Alice Guo.

Batay sa memorandum na inilabas ng Palasyo, kinumpirma ni Executive Secretary Lucas Bersamin na lumipad na si Guo patungong Malaysia, saka nag-tungo sa pamilya nito sa Singapore at bumyahe patungong Indonesia, kung saan tumutugma sa unang impormasyon na inilabas ni Senator Risa Hontiveros.

Dahil dito, inatasan ni Bersamin ang Department of Foreign Affairs at ang Department of Justice na kanselahin na ang pasaporte ni Alice Guo o Guo Hua Ping.


Pinapakansela rin ang pasaporte ng kaniyang mga kapatid, na sina Wesley at Sheila Guo at maging si Katherine Cassandra Ong na idinadawit din sa POGO operations sa Pampanga.

Paliwanag ng Palasyo, alinsunod sa RA No. 11980 o New Philippine Passport Act, maaaring kanselahin ng DFA Secretary ang pasaporte kung para ito sa interes ng national security.

Facebook Comments