
Ipinaliwanag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung bakit hindi pa rin nakakansela ang pasaporte ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co na iniimbestigahan dahil sa umano’y iregularidad sa flood control projects.
Nasa abroad pa rin si Co at tumatangging umuwi sa Pilipinas dahil sa umano’y banta sa kanyang buhay, batay sa pahayag ng kanyang abogado.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ng pangulo na walang kaso na naisasampa laban kay Co sa ngayon kaya wala pang legal grounds para agad kanselahin ang kanyang passport.
Oras aniya na magkaroon ng legal na basehan, agad tutugon ang gobyerno para kanselahin ang pasaporte ni Co at mapabalik siya sa bansa upang harapin ang mga alegasyon ng korapsyon sa pondo ng bayan.
Tumanggi naman ang pangulo na magbigay ng direktang opinyon kung “least guilty” ba ito at kung maaari siyang gawing state witness pero posible aniya itong maging opsyon, kung makikita ng korte na maliit lamang ang papel niya sa anomalya.
Giit pa ng pangulo, ang hukuman ang magtatakda kung gaano kabigat o kababaw ang pagkakasangkot ni Co sa flood control scam at kung kwalipikado ba itong maging state witness.









