Pasaporte ni Zaldy Co, kanselado na; mga embahada ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa, pinaaalerto ni PBBM para sa pagtugis sa dating kongresista

Tuluyan nang kinansela ng pamahalaan ang pasaporte ni dating Cong. Zaldy Co, na isa mga pangunahing suspek kaugnay sa maanomalyang flood control projects.

Kaugnay nito, nagbaba ng direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine National Police (PNP) na tiyaking hindi makakatakas ang dating kongresista sa pananagutan.

Ayon sa Pangulo, dapat makipag-ugnayan ang embahada ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa at agad na mag-report sakaling tangkain ni Co na pumasok o manatili sa anumang teritoryong banyaga.

Si Co ay nahaharap ngayon sa kasong graft at malversation dahil sa overpriced at ghost flood control projects sa iba’t ibang probinsya.

Tiniyak ng pangulo na tuloy-tuloy ang paghahabol sa dating kongresista at sa iba pang opisyal na sangkot sa isyu ng katiwalian.

Facebook Comments