Manila, Philippines – Mas mabigat na parusa ang kakaharapin sa mga mapapatunayang nambabato ng mga sasakyang umaandar sa oras na maisabatas ang House Bill 7163.
Ayon kay House Majority Leader Rodolfo Fariñas, may-akda ng panukala, nahaharap lamang sa krimen na malicious mischief sa ilalim ng Article 327 ng Revised Penal Code ang mga suspek na nahuhuling nambabato ng mga sasakyan.
Sinabi ni Fariñas, mistulang “habitual past-time” ng mga salarin ang pambabato sa mga sasakyan na madalas na nangyayari sa mga major thoroughfares.
Ito aniya ay nagreresulta sa pagkasira ng sasakyan, aksidente, pagkasugat ng mga pasahero at minsan ay nagiging dahilan pa ng kamatayan.
Sa ilalim ng panukala, mahaharap sa parusang 25 taong pagkakabilanggo at multang P100,000 kung ang pambabato ng sasakyan ay magreresulta sa pagkamatay ng sinuman sa pasahero.
Kung ang aksidente ay magreresulta sa physical injury, parusang limang taon na pagkakakulong at multang P15,000 dagdag pa ang pagsagot dito ng mga medical expenses ang kakakaharapin ng isang suspek.
Inaasahan naman na maaprubahan na ito sa ikatlo at huling pagbasa sa muling pagbabalik ng sesyon sa Mayo.