Muling binuksan ng Pasay City General Hospital ang kanilang emergency room para sa mga COVID-19 patient at iba pang pasyente.
Ito’y matapos na bumaba sa 82 percent ang kanilang occupancy rate mula sa 94 percent noong nakaraang linggo.
Ayon kay Mayor Emi Calixto-Rubiano, base sa ipinasang ulat ni Dr. John Victor de Gracia na siyang Officer-in-Charge ng nasabing pampublikong hospital, mayroon na silang bakanteng dalawang kama sa Intensive Care Unit (ICU) at apat na iba pang kama para sa mga pasyenteng may COVID-19.
Sinabi naman ni Rubiano, na ipa-prioritize ng Pasay City General Hospital ang pagtanggap ng mga pasyente na residente sa kanilang lungsod.
Dagdag pa ng alkalde, tatanggap pa rin naman ang naturang hospital ng mga pasyenteng hindi residente ng kanilang lungsod kung kinakailangan talaga nito ng medical attention lalo na’t pangunahin nilang layunin ang mailigtas ang buhay ng isang indibidwal.
Matatandaan na noong nakaraang buwan ay pansamantalang itinigil ng Pasay City General Hospital ang pagtanggap ng COVID-19 patients sa kanilang emergency room matapos umabot sa full capacity.