Nakatakdang ipamahagi ng Pasay City government ang nasa 100,000 food packs sa susunod na linggo bilang ayuda sa mga residente ng lungsod na apektado sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine para mapigilan ang mabilis na pagkalat ng Coronavirus Disease o COVID-19 sa bansa.
Dahil dito, nakipag-ungayan na ang lokal na pamahalaan sa Liga ng mga Barangay at sa Pasay City Social Welfare and Development upang mailagay sa ayos ang sistema ng pagdi-distribute sa mga residente ng naturang food packs na ipapadala sa 201 barangays sa buong lungsod.
Ang mga food packs ay dadalhin sa iba’t-ibang barangay sa lungsod ay ihahatid sa pamamagitan ng dalawampung unit ng L-300 van at 100 units ng eTrikes kung saan kasama ang mga ‘frontliners’ ng Pasay LGU at mga health workers sa lungsod.
Ang mga nabanggit na sasakyan ay maari ring gamitin sa pagdadala ng mga People With Disabilities (PWD) at senior citizens para sa kanilang medical check-ups.
Nakipagtulungan na rin ang lokal na pamahalaan sa Department of Trade and Industry (DTI) hinggil sa rolling stores na iikot sa mga barangay sa lungsod upang magbenta ng iba’t-ibang uri ng goods partikular ang karne ng baboy at baka, isda, gulay at iba pang mga pagkain na higit na mas mababa ang presyo kesa sa mabibili sa mga grocery stores at supermarkets.