Mariing pinabulaanan ng Pasay City government ang balitang kumakalat sa social media na nakapasok na sa lungsod ang 2019 Novel Coronavirus.
Sa inilabas na pahayag ng lokal na pamahalaan ng pasay, hindi totoong naka-lockdown ang Pasay City General Hospital at nakabantay ang mga opisyal sa Barangay 44 matapos makapagtala ng unang kaso ng 2019-NCoV.
Pinasinungalingan rin ni PCGH Head Dr. Lou Ocampo ang impormasyon at iginiit na mayroon silang infection control committee na binubuo ng adult at pedia specialists para i-monitor ang sitwasyon.
Nakikipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan sa Bureau of Quarantine (BOQ) sa Ninoy Aquino International Airport at Research Institute for Tropical Medicine para tutukan ang mga pasaherong dumarating.
Samantala, bukod sa pamamahagi ng face mask at gloves sa health workers, tiniyak naman ni City Health Office Head Dr. Cesar Encinares na handang tumugon ang medical personnel ng PCGH, Philippine Air Force General Hospital, San Juan De Dios Hospital, Adventist Medical Center Manila at labintatlong health centers sa mga pasyenteng posibleng tamaan ng virus.
Umapela din ang lokal na pamahalaan ng Pasay sa mga residente na iwasan ang pagbabahagi ng unverified posts sa social media na Fake News kasabay ng paalala sa proper hygiene sa harap ng pangamba sa nakamamatay na 2019-NCoV.