Pasay City LGU, naglabas ng guidelines sa ilalim ng heightened GCQ

Naglabas ng guidelines ang Pasay Local Government Unit (LGU) ngayong ipinaiiral ang heightened General Community Quarantine (GCQ) sa Metro Manila.

Hinikayat ni Pasay City Mayor Emi Calixto Rubiano ang mga residente na sumunod sa guidelines sa curfew, liquor ban, market day scheme, at health protocols.

Sa ilalim ng guidelines, papayagan ang mga shopping malls na nakapag-operate sa 50 percent capacity.


Ang hotels na may Department of Tourism (DOT) accreditation ay papayagang tumanggap ng guests at clients basta’t lehitimo ang dahilan.

Pinapayagan na rin ang 30 percent capacity ng mga non-contact sports at outdoor sports.

Gayundin ang mga personal health care services gaya ng barber shop, beauty salon, nail spa at beauty clinic pero dapat ay panatilihing nakasuot ng face mask.

Magpapatuloy rin ang paglalagay ng barangay checkpoint sa sandaling kakailanganin.

Itinakda naman ang curfew hour mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng umaga.

Hindi magpapatupad ng liquor ban ang LGU, pero may window hour na mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi para magbenta ng alcoholic beverages.

Mahigpit na ipagbabawal ang pag-inom ng nakalalasing sa pampublikong lugar gaya ng sidewalk.

Ipatutupad din market day scheme sa may 201 barangay.

Ang mga may hawak lang na quarantine pass ang papayagang lumabas sa itatakdang araw ng pamamalengke at babantayan ang pagsunod sa umiiral na health protocols katulad ng pagsusuot ng face mask at face shield sa pampublikong lugar.

Facebook Comments